It’s more fun in the Philippines!

Siguro, alam niyo na kung ano ang bago sa Pilipinas?

Nandiyan na yung tagu-taguan ng gobyerno at ni Jovito Palparan, ang paglilitis sa impeachment ni Corona, ang pagka comatose ng isang pinoy na boksingero, ang patuloy na pagkatalo ng mga Azkals, tagumpay ng Dragon boat team, ang pagkabilang ng Palawan Underground River bilang isa sa 7 Wonders of Nature, at ang palpak na SWAT team, S-orry, W-ala A-kong T-raining o S-ugod W-ait A-tras T-ayo. Marami na ngang pangyayari ang naganap sa ating amang bayan. Oo, tama ang basa mo. Hindi na uso ngayon ang inang bayan. Sisihin niyo si Rizal. Ngunit ang talagang tumatak sa aking isipan ay ang binagong kataga ng Department of Tourism na “It’s more Fun in the Philippines”.

Talaga namang mas masaya sa Pilipinas. Sa mahigit na pitong libong islang bumubuo nito at sa mga samu’t saring diyalektong umabot ng isang daan at limampu’t pito, tiyak malulula ka talaga. Idagdag mo pa diyan ang JEJEMON na walang magawa kundi pahirapan ang mga mata at panga mo sa pag-intindi at pagbigkas. Andiyan yung simpleng salitang “Hello po” ay gagawing “3ow ph03”. Binatikos na nga ito ng DepEd na nakakaapekto sa mga estudyante, ngunit sa kalaunan, nawala rin naman, hindi ko alam, siguro napagod na sila sa pagpapahirap sa kanilang sarili at ayun, nag rest-in-peace na nga. Pero talaga, It’s more fun in the Philippines!

Isa pa sa nahalata ko dito sa Pilipinas ay ang pagdami ng bilang ng mga alagad ni Pilosopo Tasyo, mga masasaya at walang pakeng nilalang sa kalye. Wala naman akong hinanakit ng loob sa kanila. Siguro nga sadya lang talaga silang masayahin.Marahil nahalata niyo rin ito. Ito na siguro ang isa sa mga epekto ng global warming.Climate Change kumbaga.Ang pabago-bagong isip ng tao.Ang biglang pagbuhos ng ulan mula sa napakainit na sikat ng araw. Ano pa’t marahil ay nasira na siguro ang utak ng mga ito at tuluyan na nga silang iniwan ng kanilang bait. Praning na yata kung ituring. At siguro, baka isa narin ako sa kanila, pero wag naman sana. Baliw nga kami, ay este,sila, ngunit dala-dala nila yung yaman na kinaiinggitan ng mga tao, ang kaligayahan. Nasa kanila na nga siguro ang pinaka dalisay na kaligayahan sa mundo, kitang-kita naman natin sa kanilang mga ngiti, ngiting Pinoy, yung ngiting walang pinuproblema sa mundo, ngiti na kahit wala nang ngipin ay ngumingiti parin. Dahil na nga sa ngiti ay, It’s more fun in the Philippines!

Hindi nga ba’t sikat tayo sa pagiging hospitable. Who-Spit-Table. Lalong-lalo na sa mga foreigners na bumibisita sa ating bansa. Pag may dumaang foreigner mabilis pa sa alas kwatro ang lapad ng ating mga ngiti, ngiting hanggang Luneta pa yata ang abot, kung pu-pwede nga lang. Mag-aalok ng pagkain at sasabihing,“kain tayo?” sa di inaasahang bisita kahit isang danggit na ulam at isang butil na kanin na lang ang nakahain sa mesa, at kahit alam nilang hindi ito nakakaintindi sa sinasabi nila. Pero ok rin ang pagiging hospitable nating mga Pinoy, dahil kahit sa mumunting bahay kubo natin ay papapasukin natin ang bisita kahit pa nga si Barack Obama ang bisitang ito, at titirahin agad natin ng hilaw na Ingles. Halimbawa, ang katagang, “Sabay na tayong kumain?” ay nagiging, “You want me to eat you?”

Sino ba naman ang makakalimot sa paunang introduction na “Hey Joe!” kaya sa palagay ng mga munting bata na nakikinig sa kamatis na ingles ay lahat ng foreigner ay Joe ang pangalan. Sa palagay mo? Barack “Joe” Obama, pati presidente tuloy nabigyan ng bagong pangalan.Ang galing.

“You’re nothing but a second rate trying hard, copycat!” Sino ba ang makakalimot sa sikat na linyang ito sa pelikula. Hindi rin naman nalalayo ito sa tunay na buhay. Aminin na natin na mahilig tayong mga Pinoy sa “second rate” na mga bagay. Yung tipong  pirated… yun na yun. Siguro nga pati sa boyfriend mo ay second rate ka lang, dahil may original siya, duplicate ka lang. Talaga nga namang tayong mga pinoy ay baliw na baliw sa pirated na kahit pati high official ng gobyerno ay mismong namamakyaw ng pirated DVDs…o saan ka pa? Hindi lang naman sa gamit gumagaya tayong mga pinoy. Pati sa estilo, pananamit at pamamaraan ay nakakaya rin nating mangopya. Siguro may nakita kayong mangingilan na akala nating Koreano at Kano ngunit pinoy pala. Mga taong kinukulayan yung mga buhok at halos pakyawin lahat ng mga pampaputi para lang magmukha silang banyaga. Pati nga yung mga napapanood natin sa telebisyon ay hango na rin sa mga programa ng ibang bansa. Isa-sahin kaya natin?Hmp? PBB, Deal or Deal, X-Factor, Nasaan ka Elisa?, Endless Love, Family Feud, Amazing Race..hay naku napakarami pang iba at tiyak akong meron pa kayong naisaisip. Ika nga nila, We are great imitators and not inventors, pero sino nga ba ang nagsabi nun?

Saan ka ba nakakakita na ultimo mahirap ay nakasuot ng Levi’s, Gucci na bag at signature na mga gamit? Malamang dito yan sa Pinas. Siguro nga tatagurian na tayong UK nation as in ukay-ukay nation. Ang umaabot na milyon-milyong halaga ng mga damit ay di mo sukat akalain na abot kamay mo sa halaga na mas mababa pa sa passing grade mo sa eskwelahan. Marami pang promo sa ukay-ukay, tulad na lang ng less 25%, pero ganun talaga ang price nun, nilagyan lang ng less 25% para mukhang mas bumaba ang presyo. At sure ako, lahat ng Pinoy sa mundo ay nakabili na.

It’s more fun in the Philippines nga naman talaga sapagkat sadya nga namang napaka tolerable nating mga mamamayan. Eh paano ba naman Filipino time…..is never on time. Masakit man kung ating iisipin ngunit sadyang yan ang katotohanang araw-araw nating isinasabuhay. Maanong kahit 30 minutes late ka na sa trabaho ay kadalasang maririnig mo ang isa sa pinakagasgas na alibi na naging anthem na yata nating mga pinoy: “better late than never”. Sounds familiar di ba? Di ba pwedeng “better never late?”.Bagong slogan….bagong palusot.

Hindi na uso ngayon ang sky is the limit…laos na. In ngayon ang lahat ng unli a.k.a. bottomless. Kahit saan ka lumingon kaliwaan ang promos sa unli. Sino nga ba sa atin ang hindi pa nakakatikim ng unlimited rice? Ang walang sawang pagseserb ng kanin na kadalasan naman napakatagal dumating. Paano naman kasi ay hindi mo makikita agad ang taga bitbit nitong kanin kasi palakadlakad sila at wala kang magawa kundi ang maghintay hanggang mabusog ka na lan ng hangin.  Hay naku nauto yata tayo. Isa pang sikat sa mga kainan ay ang mga bottomless na maiinom, isa na dun yung iced tea, na kapag naubos na yung laman ng pitsil ay pupunuin naman nila. Ngunit hindi naman mangyayari kasi busy lahat ng mga waiter na kapag tatawagin mo ay sasagutin ka lang nila na “Wait lang po ma’am” na hindi na rin naman babalik.Hay naku nauto naman tayo. At tsaka mawawala ba naman sa listahan natin ang unlitxt? Nagsulpotan na yung iba’t ibang klaseng promo na mga service providers, na pati ang pagsurf sa internet ay sinali na. At dito natin nasasaksihan ang dakilang labanan ng SMART, GLOBE at SUN at damay damay na nga, pati mga artista at gumagamit nito ay naglalabanan narin. Ngunit kahit ano paman kadakila itong tinatawag nating unlitxt at col na ito, ay may pagkakataon na hindi tayo makakatawag at makakatxt. Maaring nagluko yung provider, yung selfon natin at maari rin na tayo yung naloko. Hay naku na naman, sa muli ay nauto na naman tayo.

Napakarami na ngang dahilin para maging masmasaya dito sa Pilipinas at kapag iisa-isahin natin ay makakasulat tayo ng kasing  haba ng San Juanico bridge o baka ang Golden Gate bridge pa nga. Kaya huling hirit ko na ito. Kilala tayo sa pagiging close family ties natin. Yung tipong lahat nang pamilya ay siksikan saiisang bubong. Kahit naging sardinas na ay ayos lang daw dahil sama sama. Nandiyan si lolo, lola, papa, mama, anak, pinsan, pamangkin, apo sa tuhod, apo sa talampakan pati siguro apo sa alipunga ay makikita mo sa loob ng bahay. Isama mo pa si Bantay at Muning. Iba talaga ang pamilya nang pinoy. Si lola at lola ginagawang pangkabuhayan. Pinipuwesto sa kalye ngmga walang hiyang animal para manglimos. Hay naku, matanda na nga sinasamantalahan pa.Si ama naman ay For Rent.Kadalasang pumupuntasa ibang bahay at kapag naexpire na yung kontrata ay umuuwi agad ito sa kanyang asawa. Si ina naman ay Buy 1 take 1, asawahin mo ay may bunos kapang anak mula sa kanyang unang lalaki.At ang mga anak?For Sale, binibenta sa mga pamilyang walang anak at mas malala pa ay binubugaw sa mga kano at kung sino sinong halang ang kaluluwa.Hay naku, nakakaawa naman talaga.

O ayan, nabigay ko na ang ilang dahilan. Napakasaya talaga ng Pinas. Dapat proud tayo kung ano man tayo, dahil sino-sino pa nga ba magwawagayway ng ating watawat kundi tayo- tayo din lang. Maaari ngang napakarami nating mababahong karanasan at katangian, ngunit wag mong pagdirian yan. Kahit ano paman ka dumi ng tae mo, hindi mo ito malilinis kung mandidiri ka lang. Kaya ipaglandakan mo lang ang ngiting pinoy. Wala namang mawawala. Wrinkles lang. Baka nga sa susunod ay maging “ It’s funnier in the Philippines na!”

With credits to my TECHNOPACER-FT Family.

Thanks guys!

I salute you so much!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s